Tibok
by Miko-chan
Author's Notes: Dedicated ito sa kapatid ko ulit, si Imouto-chan. Kasi naging supprotive po siya sa akin kahit anong mangyari. Kahit mamatay na ako sa kakain ng chocolate, okay lang sa kanya. Ito po ay yung isa nanamang paligsahan sa oras kung saan nagawa at naipost lamang ang lahat sa 15 minuto.(Nanaman?) Ganyan talaga pag tagalog, kumain ng chocolate at punong-puno ng ideya. Mabilis.


Dumadagundong.

Ang init na kanyang nadadama sa kanyang pisngi.

Ang malambot na katawang kanyang hinihimas ng kanyang sariling mga daliri.

Paikot-ikot na naglalakbay sa kanyang katawan, nilalasap ang tamis nito. Hindi niya kailanman naisip na kanyang mahahaplos ang kurba ng bawat sulok, ang bigat ng bawat gilid.

Nararamdaman niya, oo.

Bakit hindi?

Ang mabilis na daloy ng dugo sa bawat ugat sa ilalaim ng kayang malalaking palad. Ang mabagal ng pag-angat ng hubad na balat sa kanyang mukha.

Matagal na niyang ninais ito, di ba?

Kaya nga ba ang umaangat na init sa kanyang naninikip na baga ay kanyang unti-unting naiintindihan.

Hindi niya mapigilan kung hindi ngumiti...

Makisabay sa sayaw ng kanyang kamay...

Makisama sa kislap ng kanyang malaberdeng mata.

Hindi na niya kailangan ng ilaw para makita siya. Ang mahinang liwanag ng kanyang nagbabagang mapupulang mata ay parang apoy sa karimlan. Hawak-hawak niya ang kanyang pinakaaasam na bagay, sa kanyang bisig.

Umiiyak.

Tumatawa.

Lumuluha ng ilang emosyon na hindi niya malaman.

Isang damdamin na hindi kayang matumbasan ng mga salita ng isang hamak na tulad niya.

Sa buhol ng mga puting tela at malamyos na haplos ng hangin ay hindi niya naisip na madadaanan niya ang nakakamatay na paghihintay. Ang nerbyos na kanyang nadama habang hinuhusgahan na yata siya ng Panginoon sa kanyang mga pagkakasala.

Para bang itong... dahan-dahan siyang pinapatay.

Hindi niya maikukumpara ang sakit sa mga misyon kung saan naulanan siya ng mga patalim o ang mga oras kung kailan siya'y nagdadalamhati... magisa sa kadiliman.

Kaya nang ang unang paghinga ay nailabas sa mga tuyong labi...

Naibsan na ang nakakalason at nakakapagdusang pighati...

Para siyang lumulutang sa lambot ng alapaap.

"Sasuke...?"

"Tumigil ka nga sa pagalaw." Naisumbat niya, naiirita sa kanya.

Napakabaliw ng babae.

Pagod na pagod na nga siya, ayaw pa ring matulog. Ilang gabi na rin yata ang nakalipas ng hindi pa siya nakakaramdam ng pagkahimbing. Pero sa palagay niya, wala siyang karapatang magsalita ng ganun. Pareho lang silang puyat.

"Bakit mo ba ako pinagmamasdan?"

"Wala lang." Ang tawa niyang nakakalumbay ng mga takot na hindi mo masabi, nakakapagpapawala ng iyong kaba. "Hindi ko alam na marunong ka palang ngumiti."

Humigpit ang kanyang hawak. Tumitig siya ng marahan. "Anong paki mo?"

"Ikaw talaga!" Ang kanyang kamay ay humampas sa kanyang pawisan na balikat.

"Huwag kang maingay." Pabulong niyang sambit. "Nagiging magulo ka."

"Hoy, kala mo kung sino kang magsalita." Ang kanyang malambot na kamay, mainit, na mayroong ding pulang buhay na dumadaloy.

"Kapapanganak ko palang sa anak mo, gago."


Maraming salamat po sa pagbabasa. Rebyew na lamang ho.

Advanced Happy Father's day.

Love you people!